Litanya ng Isang Media Practitioner June 28, 2009
Posted by conflictblog in Uncategorized.trackback
6:30 ng umaga. Isang text message ang gumising sa akin ngayong araw ng Linggo.
“Jayson, tulungan mo kami, may umaaligid sa bahay namin kagabi. Nagising ang asawa ko, kasi nakita niya sa bintana may *some text missing*”.
Hinintay ko ng ilang minuto iyong karugtong ng *some text missing* na hindi nagkasya sa space ng incoming message na natanggap ko. Nahirapan akong mabasa iyong text, kasi antok na antok pa ako at hindi ko talaga halos maidilat ang mga umaalmang talukap ng mga mata ko. Gusto ko pang matulog. Ano ba kasi iyong nakita niya sa bintana?
Si Ate Weng iyong nagpadala sa akin ng text. Isa siyang case study sa istoryang ginagawa ko. Nagreklamo si Weng dahil iyong kumadrona na nagpaanak sa kanya, hindi pala lisensyado. Japeyks midwife, in short. So ang nangyari, nagupit ng kumadrona yung ari niya hanggang sa bahagi ng puwitan ng babae. Masakit para sa kanya ang nangyari, kaya ganoon na lamang ang lakas ng loob niyang magsumbong. Pero ngayon, parang nag-iba ang ihip ng hangin. Natatakot na siya, matapos ma-entrap ng NBI ang kumadrona at ikulong noong nakaraang Linggo. Gusto na rin daw niyang huwag na ipakita sa TV iyong interview niya. Hay Diyos ko, Lord! Ang sakit sa bangs.
Ang Production Dilemma
Dalawang taon na ako sa programa, at dapat sanay na ako sa mga ganitong klase ng mga ‘complainant’. Stressful ang maging Imbestigador, sa totoo lang. Kung papaanong ang isang 7 minutong istorya na napapanood sa TV tuwing Sabado, katumbas naman nito ay mahigit 7 araw na sakit ng ulo, katawan at madalas — pati kalooban.
Sa tuwing may nagrereklamo sa amin o nagsusumbong, una kong tinatanong: “Handa po ba kayong magreklamo hindi lang po sa awtoridad, kasi kailangan ninyo pong magpa-interview sa amin? Kung makulong po iyong inirereklamo ninyo, handa po ba kayong ituloy ang kaso, hindi po ba kayo natatakot?”
Ang sagot madalas ng mga complainant, “Oo!”. With full conviction.
Simple lang daw ang explanation kung bakit sa amin lumalapit ang mga tulad ni Weng at ng marami pang complainant. Kung bakit madalas, tuwing may anomalya sa isang lugar, mas unang tinatawag ang istasyon ng radyo o TV, para magreport. Kung bakit tuwing may pulis na nangongotong, mas pinipili sina Mike Enriquez, Tulfo Brothers at Julius Babao kaysa sa hepeng nakaupo sa trono ng Crame para magsumbong. Kung bakit naniniwala sila sa mga tagline na “Serbisyong Totoo” at “Panig sa Katotohanan, Panig sa Bayan” kaysa sa “We serve and protect”. Simple lang.
Una, at ang mas showbiz na sagot – gusto nilang makita sa TV. Ikalawa, ang mas political na sagot – wala silang tiwala sa nanunungkulan. At ikatlo, ang may sense sa lahat – dahil mas mabilis daw umaksyon ang media.
Para kaming mga participant sa isang pabilisan contest kada linggo. Unahan sa paghahanap ng istorya. Unahan sa pag-shoot. Beat the clock ang drama sa araw ng editing. At parang buntis na umiire sa araw ng airing ng programa. Pagod, puyat, pagkawalay sa pamilya, at madalas – zero love life. Tigang ang mga taong nakakasalubong sa maliit na opisina.
Pero kami sa Imbestigador, doble ang dilemma. Second priority na lang ang paghabol sa production deadline. Una naming inaatupag kung kailan mahuhuli ang mga nagtatago sa batas, kung kailan maipapasara ang mga nakabukas na oportunidad sa panloloko, at kung kailan maipapahinto ang mga tumatakas sa batas. Madali lang sana, pero bukod sa nabanggit ko nang pagod sa katawan at isipan, mas may malaki kaming binabangga sa linggo-linggo naming trabaho – ang bureaucracy sa gobyerno.
Iyong pitong minutong segment, kung tutuusin, mani-mani lang. Iyong dalawang oras na pagsulat sa script, yakang-yaka. Magdamagang editing, nakakasanayan din. Pero iyong ilang oras kayong naka-standby sa NBI, sa police station, sa munisipyo o city hall, para maghintay na umaksyon ang mga tao, nakakakunot ng ulo. Iyong maghihintay ka sa hudyat para hulihin na iyong taong manloloko, na kadalasan magsisimula sa umaga at aabutin ng gabi ang pag-aresto, hindi kaya ng isang sakong oatmeal na bawasan ang “risk of heart disease”. Tapos iyong ilang oras na preparation para ma-inquest iyong mga suspect sa kaso, my God! Why have you forsaken me?
Kung may naituro man ang org ko sa UP noong college, sinisigaw ko pa rin iyon hanggang ngayon sa utak ko. “I will not quit! I will not quit! I will not quit!” Buti na lang, kaysa pangunahan ng pagkabuwisit.
Ang Case Study
Ang mga tipo ng taong madalas ko kasama linggo-linggo, iyong mga hindi alam kung ano ang gagawin sa kani-kanilang mga problema. Nariyan ang umiiyak na nanay dahil ang anak niya ayaw ibigay sa kanya ng biyenan, ang impormanteng diskumpiyado sa nabiling tinapay dahil marumi ang pagawaan, at ang whistleblower na aligagang nagsusumbong dahil may alam siyang pagawaan ng shabu sa lugar nila. Lahat sila, humihingi ng tulong dahil ang alam nila, alam ko ang gagawin.
Pero hindi ko naman talaga alam lahat. At hindi rin naman ako patsamba-tsamba lang. Nagkataon lang na alam ko ang dapat gawin. At nagkataon din lang na may nakasabit sa leeg ko na may nagsusumigaw na logo ng kompanya at nakasulat sa itaas – MEDIA. Parang iyon na ang solusyon sa kanilang problema.
Kapag may shoot ako kasama ang ilang case study, pinapapili ko sila kung saan nila gustong kumain. Kapag sinabing sa karinderya malapit sa location namin, go ako diyan. Kapag sinabing sa Jollibee o McDo, why not. Mag-upgrade pa kayo ng fries and drinks. Kapag sinabing sa Yellow Cab o Red Crab, hmmm, wait check ko wallet ko. Go! Tara let’s eat. Ang napapansin ko, kapag galit galit na sa mesa, nakakalimutan na ang pagod sa paglutas ng problemang hinahanapan namin ng solusyon mula pa noong umaga.
Share ko lang. Noong pumasok ako sa TV network na pinagtatrabahuhan ko ngayon, ang sabi ko sa sarili ko, gusto kong maging makabuluhan ang gagawin ko. Gusto kong ibalik sa mga tao ang apat na taong pagpapaaral nila sa akin sa kolehiyo. Mataas ang idealismong dala-dala ko sa aking noo, binagtas ko ang daang alam kong walang benepisyo, hindi gaano mataas ang sweldo, at kahit puyatan sa trabaho, walang night differential para sa mga empleyado. Or “Talent”, the more politically correct term para sa isang tulad ko.
Matagal ko nang narealize na isang sakripisyo ang trabahong ito. Ilang linggong hindi nakikita ang pamilya, ilang oras na nawawala kasama ang barkada, ilang minutong pinagkakasya sa text para kamustahin ang mga kaibigan at kamag-anak. Ilang death threats, ilang subpoena, ilang pagmumura sa telepono ng mga hindi ko kilalang callers. Ilang taon ko pa kaya dapat pagbayaran ang apat na taon sa kolehiyo?
Ang Intro at Extro ng Bawat Istorya
Pinahahalagahan ko ang trabahong ito, marahil dahil gusto ko. Hindi ko alam. Pero natutulog akong iniisip kung paano ko matutulungan ang mga complainant. Nananaginip akong nakikita ko silang satisfied at masaya. At nagigising akong pagod ang isip at katawan, pero pupunta sa opisina, para magtrabaho.
Natutunan kong may silbi ako sa lipunan. Nalaman kong isa akong komoditi na binabayaran din ng kumpanya. Napagtanto kong e ano ngayon? Kailangan ko magbayad ng renta at pagkain araw-araw? Hello.
Nasaan ang idealismo? Naku naloko na. Sa tingin ko, nandito pa rin. Hangga’t hindi ako tumatanggap ng bayad kapalit ng istorya, hangga’t kaya kong makipag-debate sa mga opisyal na bobo, hangga’t alam ko kung saan ang hangganan ng aming karapatan, ang idealismo na matagal kong pinaniwalaan, nasa akin pa rin.
Nasaan na ba iyong kaputol na text ni Ate Weng?
“Jayson, tulungan mo kami, may umaaligid sa bahay namin kagabi. Nagising ang asawa ko, kasi nakita niya sa bintana may… itim na pusa. Malas daw iyon e. Tulungan mo naman kami.”
Anak ng monay naman oh. Ako ba si God?
Comments»
No comments yet — be the first.